PiyUPs
Isang hapong walang pasok, muli, hindi ko na naman napigilang maglakad-lakad sa loob ng main campus ng PUP, at kasabay noon, ang alalahanin ang nagdaang mga araw na masaya ko pang nakakasama ang barkada - mga kaklaseng sa loob ng apat na taon ay napalapit at naging bahagi na ng buhay ko. Matagal-tagal na din mula ng huli kaming magkasama-sama, maliban sa ilan na kasama ko sa trabaho at kasabay kong binubuno ang pang-limang taon sa kolehiyo, at siyempre ang girlfriend ko na madalas kong nadadalaw sa Cavite. Bukod sa kanila wala na.
Ilang buwan pa lang ang nakakaraan mula ng magsipagtapos sila. Sa kasamaang palad, naiwan ako at dalawa pa sa barkada. Pero di tulad ng mga kasama kong naiwan, ako lang ang may klase sa main, at araw-araw, kahit saan mapadaan, kahit saan tumingin, di ko maiwasang may maalala sa mga lugar na tinambayan ng tropa - sa registrar, sa hallway, 1st hanggang 6th floors ng main building, sa oval, sa may flagpole, sa lagoon. Parang kailan lang. Ang hirap palang maiwan.
Hanggang ngayon, tuwing maalala sila, bigla akong nakakaramdam ng lungkot dahil sa katotohanang nakalipas na ang panahong magkakaklase kami bilang mga estudyante, at dahil sa katotohanang matatagalan pa bago mabuo uli ang barkada at makabalik sa dating mga tagpuan sa loob ng paaralan.
Gumagabi na. Biglang pumasok sa isip ko ang isang gabi ng foundation week noong first year na nagkasama-sama kami sa gym para manood ng battle of the bands, sumakay sa caterpillar kung saan napagtawanan ako dahil sa pamumutla, at nagkainuman sa may lagoon kung saan nagkaalaman ng kanilang nararamdaman ang dalawa sa tropa; ang unang beses na nakasama ng TM at Pabugoys ang tropa nina Wina, Jenny, Dinah, Acel, at Laarni sa may flagpole nung araw na nalaman kong bumagsak kami nina Bugoy, Boyet, Dencio, Yarnan, at Mael sa subject ni Bebita; ang mga araw na nakatambay kami sa istatwa ni Apolinario Mabini sa tapat ng flagpole; isang araw na hinihintay namin sa Baro sa may grounds ng lagoon para maipakilala sa isang sponsor ng ROTC; ang gabing nakasama ko si Bugoy na nagmakaawa sa VP for Academic Affairs para maaprubahan 'yung hiling namin na makapag-summer class; and ilang pagkakataon na inaabutan kami ni Laarni ng gabi sa lagoon o sa may carpark sa kauusap, at ilang gabing nakatambay kami kasama nina Wina, Dinah, Acel, at Jenny sa may canteen.
Tahimik sa may lagoon ngayon. Pero kung kumpleto kaming nakatambay doon ngayon, malamang hindi ganito ang sitwasyon. Sa ngayon, napapag-isip na lang ako kung kailan uli kami magkakasama-sama ng barkada dito sa lugar na marami nang nabuong masasayang alaala. Sana walang magsipagbago sa kanila.
I really miss college. Nandun pa kaya yung karne ni Manang hehehe :-) Btw, nice blog. Will check it out regularly...
ReplyDeleteNice post. Ngayon ko lang nabasa. Nakaka-miss talaga College days and the days we spent with friends.
ReplyDelete